1 Macabeo 14:20-26 MBB05

20 Ganito ang nakasaad sa liham na ipinadala ng mga taga-Esparta:“Ang mga mamamayan ng Esparta at ang kanilang mga pinuno ay bumabati kay Simon, ang Pinakapunong Pari at sa mga pinuno at mga paring Judio, at sa lahat ng aming kapatid na Judio.

21 Ang delegasyong isinugo ninyo sa amin ay nagbalita sa amin kung paano kayo iginagalang at kinikilala ng lahat. Isang malaking kagalakan namin ang kanilang pagdalaw,

22 at ang ulat ng kanilang pagdalaw ay nakasulat sa aming talaang bayan nang ganito: ‘Si Numenio na anak ni Antioco at si Antipater na anak ni Jason, marangal na mga kinatawang Judio, ay naparito upang sariwain ang kanilang pakikipagkaibigan.

23 May galak na tinanggap sila ng bayan at pinarangalan. Ang sipi ng kanilang ulat ay inilagay sa aklatang bayan. Sa gayon, ang ulat tungkol sa kanilang pagdalaw ay nakatala para sa mga mamamayan ng Esparta. Isang sipi ng kasulatang ito ay ipinadala kay Simon na pinakapunong pari.’”

24 Pagkaraan niyon, isinugo ni Simon si Numenio upang magdala sa Roma ng handog na isang malaking gintong panangga na tumitimbang ng kalahating tonelada. Ito ang nagsilbing patunay ng pakikipagkaisa ng mga Judio sa mga taga-Roma.

25 Nang ito'y mabalitaan ng bansang Israel, nagtanungan sila, “Paano natin mapapasalamatan si Simon at ang kanyang mga anak?

26 Siya, ang kanyang mga kapatid, at ang buong pamilya ng kanyang ama ay naging matatag sa harap ng ating mga kaaway; lumaban sila at tayo'y pinalaya.”Kaya, inukit nila ito sa tanso at ikinabit sa mga haligi sa Bundok ng Zion.