23 May galak na tinanggap sila ng bayan at pinarangalan. Ang sipi ng kanilang ulat ay inilagay sa aklatang bayan. Sa gayon, ang ulat tungkol sa kanilang pagdalaw ay nakatala para sa mga mamamayan ng Esparta. Isang sipi ng kasulatang ito ay ipinadala kay Simon na pinakapunong pari.’”
24 Pagkaraan niyon, isinugo ni Simon si Numenio upang magdala sa Roma ng handog na isang malaking gintong panangga na tumitimbang ng kalahating tonelada. Ito ang nagsilbing patunay ng pakikipagkaisa ng mga Judio sa mga taga-Roma.
25 Nang ito'y mabalitaan ng bansang Israel, nagtanungan sila, “Paano natin mapapasalamatan si Simon at ang kanyang mga anak?
26 Siya, ang kanyang mga kapatid, at ang buong pamilya ng kanyang ama ay naging matatag sa harap ng ating mga kaaway; lumaban sila at tayo'y pinalaya.”Kaya, inukit nila ito sa tanso at ikinabit sa mga haligi sa Bundok ng Zion.
27 Ganito ang mababasang nakaukit doon:“Nang ikalabing walong araw ng ikaanim na buwan ng taóng 172, na siyang ikatlong taon ni Simon, ang Pinakapunong Pari,
28 sa harap ng nagkakatipong mga pari, mamamayan, pinuno, at matatanda ng bayan, ang sumusunod na katotohanan ay ipinabatid sa amin:
29 Madalas, kapag may digmaan sa bansa, itinataya ni Simon, anak ni Matatias na isang pari mula sa pamilya ni Joiarib, at ng kanyang mga kapatid ang kanilang buhay sa pagliligtas sa ating bansa, ating templo, at ating Kautusan laban sa mga kaaway. Sila ang naghatid ng malaking karangalan sa ating bansa.