31 Nang balakin ng mga kaaway ng mga Judio na lusubin ang lupain at lapastanganin ang templo,
32 si Simon naman ang nanguna at nakipaglaban para sa bansa. Ginamit niya ang sariling salapi para magkaroon ng mga sandata at pambayad para sa hukbo ng bansa.
33 Pinalagyan niya ng mga tanggulan ang buong Judea, lalo na ang Beth-sur sa hangganan na dati'y taguan ng mga sandata ng kaaway. Naglagay rin siya roon ng mga kawal na bantay.
34 Pinalagyan din niya ng tanggulan ang daungan ng Joppa at ang lunsod ng Gazara sa hangganan ng Azotus, na dating nasasakop ng mga kaaway. Pinatira niya roon ang mga Judio at ibinigay ang lahat ng kanilang kailangan para sa pagsasaayos.
35 Nang makita ng bayan ang pagiging makabayan ni Simon at kung paano niya ninasang parangalan ang kanyang bansa, siya'y ginawa nilang pinuno at Pinakapunong Pari. Ginawa nila ito dahil sa kanyang katapatan at dahil din sa pagpapairal niya ng katarungan at pagsisikap na maparangalan ang kanyang bansa.
36 “Sa kanyang pangunguna, naitaboy ang mga Hentil. Napaalis din ang mga hukbo ng kaaway sa gawing hilaga ng Templo. Nagtayo rito ng tanggulan ang kaaway, at mula roo'y pinapasok ang banal na Templo at nilalapastangan ito.
37 Naglagay si Simon ng mga bantay na Judio sa tanggulan, pinatibay ito para sa kaligtasan ng bansa at ng lunsod ng Jerusalem. Pinataasan din niya ang mga pader ng lunsod.