4 Mapayapa ang lupain ng Judea habang nabubuhay si Simon. Sa buong panahon ng kanyang paghahari, ginamit niya ang kanyang kapangyarihan at lakas para sa ikabubuti ng bayan. Sila nama'y nasiyahan sa kanya bilang kanilang tagapanguna.
5 Nadagdagan ang kanyang katanyagan nang sakupin niya ang daungan ng Joppa at buksan ang daan papunta sa mga pulo ng Grecia.
6 Pinalawak niya ang lupaing nasasakop ng kanyang bansa,
7 at nag-uwi pa ng maraming bihag at sinakop ang Gezer, Beth-sur, at ang tanggulan ng Jerusalem. Nilinis niya ang lahat ng karumihan doon.
8 Mapayapang binungkal ng mga Judio ang kanilang bukirin at masagana ang naging ani; marami rin ang bunga ng mga punongkahoy.
9 Ipinagmalaki ng mga kabataang lalaki ang magagara nilang kasuotang kawal. Samantalang ang matatandang lalaki naman ay nauupo sa liwasan at nag-uusap-usap tungkol sa mga kahanga-hangang pangyayaring naganap.
10 Ang buong lunsod ay sagana sa pagkain at ipinagpatayo pa ni Simon ang bayan ng mga tanggulan. Kaya't nabantog siya sa lahat ng dako.