41 “Kaya nga, nagagalak ang mga Judio at ang kanilang mga pari na maging pinuno at Pinakapunong Pari si Simon at ang kanyang mga anak hanggang lumitaw ang isang tunay na propeta.
42 Si Simon ang mamamahala sa bansa, sa templo, at sa hukbo. Siya rin ang mamamahala sa mga kagamitang panghukbo, pagpapatibay ng tanggulan, at pagawaing bayan.
43 Susundin siya ng lahat. Ang kanyang pangalan ang dapat gamitin sa lahat ng kasunduang pampamahalaan. Binibigyan siya ng karapatang magsuot ng kasuotang hari at ng gintong hibilya sa balikat.
44 “Walang sinuman, maging pari o mamamayan, ang bibigyan ng karapatang magpawalang-bisa sa anumang pagpapasya, o magbago ng alinmang utos ni Simon, o tumawag ng pulong nang wala siyang pahintulot, o kaya'y magsuot ng kasuotang hari at ng gintong hibilya sa balikat.
45 Ang sinumang lumabag o magwalang-bahala sa mga tuntuning ito ay paparusahan.
46 “Nagkaisang pinagtibay ng bayan na bigyan si Simon ng karapatang kumilos ayon sa mga tuntuning ito.
47 Pumayag at sumang-ayon si Simon na maging pinakamataas na pinuno, Pinakapunong Pari, tagapanguna ng lahat ng hukbo, at gobernador ng mga Judio at ng mga pari.”