8 Mapayapang binungkal ng mga Judio ang kanilang bukirin at masagana ang naging ani; marami rin ang bunga ng mga punongkahoy.
9 Ipinagmalaki ng mga kabataang lalaki ang magagara nilang kasuotang kawal. Samantalang ang matatandang lalaki naman ay nauupo sa liwasan at nag-uusap-usap tungkol sa mga kahanga-hangang pangyayaring naganap.
10 Ang buong lunsod ay sagana sa pagkain at ipinagpatayo pa ni Simon ang bayan ng mga tanggulan. Kaya't nabantog siya sa lahat ng dako.
11 Dinulutan niya ng kapayapaan ang bansa, at walang katapusan ang kagalakan ng Israel.
12 Lahat ay mapayapang namumuhay sa kanilang ubasan at taniman ng igos at walang gumagambala sa kanila.
13 Lahat ng kaaway na hari ay natalo na nang mga panahong iyon at walang natirang isa man para kumalaban sa Israel.
14 Tinulungan ni Simon ang lahat ng mahihirap niyang kababayan. Sa patnubay ng Kautusan ni Moises, inalis niya ang lahat ng masasamang taong sakit ng ulo sa lipunan.