14 Sa tindi ng dalamhati, sinira ni Matatias at ng kanyang limang anak ang kanilang kasuotan. Nagsuot sila ng damit-panluksa at nanangis ng buong pait.
15 Ang mga opisyal ng hari na inatasang pilitin ang mga taong sumamba sa mga diyus-diyosan ay nagtungo sa lunsod ng Modein upang utusan ang mga tagaroon na maghandog sa mga altar ng pagano.
16 Maraming Israelita ang lumapit at nagtipun-tipon sa paligid nila. Naroon din si Matatias at ang lima niyang anak.
17 Nilapitan si Matatias ng mga kinatawan ng hari at sinabi, “Ikaw ay pinunong iginagalang dito at sinusunod ng iyong mga kamag-anak.
18 Manguna ka sa pagtupad sa utos ng hari, gaya ng ginawa ng mga Hentil at ibang mga taga-Judea at Jerusalem. Gawin mo lang ito ay tiyak na mapapabilang ka at ang iyong mga anak sa mga ‘Kaibigan ng Hari’, at gagantimpalaan ka niya ng pilak, ginto at iba pang regalo.”
19 Ngunit malakas na sumagot si Matatias, “Kahit lahat ng bansa ay sumunod sa hari at dahil dito'y nilabag nila ang pananampalatayang ipinamana ng kanilang mga ninuno,
20 kami ng aking sambahayan at mga kamag-anakan ay tutupad pa rin sa kasunduang ibinigay sa aming mga ninuno.