12 Marami silang nasamsam sa kaaway. Pati na ang espada ni Apolonio ay nakuha rin, at mula noon, ito na ang ginamit ni Judas Macabeo sa pakikipagdigma hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.
13 Nabalitaan ni Seron, isa ring puno ng hukbo ng Siria na si Judas ay marami nang tapat na kawal.
14 Kaya't sinabi niya, “Pasisikatin ko ang aking pangalan at ang kaharian. Lulupigin ko si Judas at ang mga tauhan nitong sumusuway sa hari.”
15 Isang malakas na pangkat ng mga pagano ang sumanib upang tulungan siyang gumanti sa mga Israelita.
16 Nang sila'y umaahon na sa Beth-horon, lumabas si Judas kasama ang ilang tauhan.
17 Nang makita ng mga tauhan ni Judas na napakalaki ng hukbong kanilang haharapin, sinabi nila, “Anong magagawa natin sa dami ng ating kalaban? Iilan na tayo'y mahina pa ang ating katawan sapagkat hindi pa tayo kumakain sa araw na ito.”
18 “Huwag kayong mag-alala,” tugon ni Judas. “Madaling talunin ng iilan ang marami. Ang pagliligtas ng Diyos ay hindi nababatay sa dami.