46 Doon sila nagtipon sa Mizpa, malapit sa Jerusalem, para manalangin, sapagkat iyon ay dating pook dalanginan ng Israel.
47 Nang araw na iyon, nagsuot sila ng damit-panluksa at maghapong nag-ayuno. Binuhusan nila ng abo ang kanilang ulo, at winasak ang kanilang kasuotan.
48 Iniladlad nila ang balumbon ng kautusan ng Diyos upang malaman kung ano ang dapat nilang gawin, katulad ng ginagawang pagtawag ng mga Hentil sa kanilang mga diyus-diyosan.
49 Dala nila sa kanilang pagsamba ang mga kasuotang sagrado ng mga pari, ang mga unang ani, at ang ikasampung bahagi. Pagkatapos, tinawag nila ang mga katatapos lamang mamanatang Nazareo.
50 At silang lahat ay nanalangin, “Ano po ang aming gagawin sa mga lalaking ito at saan namin sila dadalhin?
51 Hindi po nila iginalang ang inyong Templo, at ang inyong mga pari ay nagluluksa sa tinamong kahihiyan.
52 Masdan po ninyo ang mga Hentil; pinaligiran at sinasalakay po nila kami para wasakin! Batid ninyo ang kanilang balak gawin sa amin.