17 at sinabi niya sa kanyang mga kawal, “Kung tayo man ay nagtagumpay, huwag ninyong isipin ang pananamsam sapagkat tayo'y nasa gitna pa ng labanan.
18 Hindi malayo sa atin ang mga kawal ni Gorgias; sila'y nasa kaburulan. Humanda tayo sa kanilang ganting salakay. Saka na natin kunin ang mga samsam.”
19 Hindi pa man natatapos ang pagsasalita ni Judas, isang pangkat ng kaaway ang bumabâ mula sa kaburulan.
20 Nakita nilang ang kanilang hukbo ay napalayas at nasusunog ang kampo. Ganito ang kanilang iniisip dahil sa makapal na usok na pumapailanlang.
21 Sa nasaksihang ito, natakot ang mga kaaway, lalo na nang makita nila sa kapatagan ang hukbo ni Judas na handa nang sumalakay.
22 Dahil dito, tumakas sila papunta sa lupain ng mga Filisteo.
23 Nang makita ni Judas na tumakas na ang mga kaaway, nagbalik sila at nilimas ang kampo ng kalaban. Marami silang nakuhang pilak at ginto, mga telang kulay asul at kulay ube, at iba pang uri ng kayamanan.