22 Dahil dito, tumakas sila papunta sa lupain ng mga Filisteo.
23 Nang makita ni Judas na tumakas na ang mga kaaway, nagbalik sila at nilimas ang kampo ng kalaban. Marami silang nakuhang pilak at ginto, mga telang kulay asul at kulay ube, at iba pang uri ng kayamanan.
24 Bumalik silang umaawit ng pagpupuri at pasasalamat sa Diyos, “Siya'y maaasahan at ang kanyang kagandahang-loob ay magpakailanman.”
25 Kaya nga't naligtas ang Israel nang araw na iyon.
26 Ang nangyaring ito'y umabot agad sa kaalaman ni Lisias sa pamamagitan ng mga dayuhang tumakas.
27 Labis itong ikinabahala ni Lisias, sapagkat hindi nangyari sa Israel ang kanyang inaasahan, ayon sa iniutos ng hari.
28 Upang malunasan ang kabiguang ito, nang sumunod na taon ay naghanda siya ng 60,000 sundalo at 5,000 hukbong nakakabayo.