30 Palibhasa'y higit na marami ang kaaway, siya'y dumalangin sa Diyos. Sinabi niya, “Kapuri-puri po kayo, Tagapagligtas ng Israel, na tumulong kay David upang biguin ang pagsalakay ng higante. Niloob po ninyong ang kampo ng mga Filisteo ay isuko kay Jonatan, anak ni Saul, at sa tagadala nito ng sandata.
31 Sa gayon ding paraan ibigay ninyo sa kamay ng inyong mga pinili ang hukbo ng mga kaaway. Hiyain po ninyo sila bagaman malaki ang kanilang hukbo at maraming mangangabayo.
32 Paghariin po ninyo sa kanila ang takot; panghinain ninyo sila. Hayaan ninyong manginig sila sa darating nilang kapahamakan.
33 Kami po ay nagmamahal at sumasamba sa inyo kaya itulot ninyong lipulin namin ang aming mga kaaway para makaawit kami ng papuri sa inyo.”
34 Matapos manalangi'y sumalakay sila, at 5,000 kawal ni Lisias ang nasawi sa labanang iyon.
35 Nang makita ni Lisias na natatalo sila dahil sa ibayong katapangan ni Judas at ng mga kawal nitong walang takot mamatay, umatras sila sa Antioquia. Doo'y nangalap siya ng mga upahang kawal upang bumuo ng isang lalong malakas na hukbo; balak niyang salakaying muli ang Juda.
36 Sa gitna ng ganitong tagumpay, sinabi ni Judas at ng mga kapatid niya, “Ngayong nagapi na ang mga kaaway, kailangang linisin natin ang Templo at muling italaga ito.”