35 Nang makita ni Lisias na natatalo sila dahil sa ibayong katapangan ni Judas at ng mga kawal nitong walang takot mamatay, umatras sila sa Antioquia. Doo'y nangalap siya ng mga upahang kawal upang bumuo ng isang lalong malakas na hukbo; balak niyang salakaying muli ang Juda.
36 Sa gitna ng ganitong tagumpay, sinabi ni Judas at ng mga kapatid niya, “Ngayong nagapi na ang mga kaaway, kailangang linisin natin ang Templo at muling italaga ito.”
37 Kaya't ang buong hukbo ay umahon sa Bundok ng Zion.
38 Dinatnan nilang wala nang laman ang Templo, wala sa ayos ang dambana at sunog ang mga pintuan. Masukal na ang patyo na parang kagubatan, at wasak pati ang mga tirahan ng mga pari.
39 Sa laki ng pagdaramdam, pinunit nila ang kanilang kasuotan, binudburan ng abo ang kanilang ulo,
40 at nagpatirapa sa lupa. Nang hipan ang trumpeta bilang hudyat, sila'y nanalangin nang malakas sa Diyos ng kalangitan.
41 Iniutos ni Judas sa kanyang mga tauhan na salakayin ang muog, habang nililinis niya ang Templo.