45 Pinagkaisahan nilang ito'y wasakin upang hindi maging alaala ng kahihiyang tinamo nila sa kamay ng mga Hentil.
46 Tinibag nila ang dambana at ibinunton ang mga bato sa isang panig ng burol, at naghintay na lamang sila ng propetang magpapasya ng dapat gawin sa mga batong iyon.
47 Samantala, kumuha sila ng mga batong hindi pa natatapyas, at ayon sa iniutos ng Kautusan, ito ang ginamit sa pagtatayo ng bagong altar.
48 Inayos nila ang santwaryo at ang loob ng Templo at nilinis ang mga bulwagan.
49 Gumawa sila ng mga bagong sisidlang gagamitin sa Templo, naglagay ng ilawan at altar na sunugan ng insenso at ng hapag na gagamitin sa loob.
50 Matapos mailagay sa kanya-kanyang lugar ang lahat, nagsunog sila ng insenso sa altar. Sinindihan nila ang mga ilawan at lumiwanag ang Templo.
51 Inihanay nila sa hapag ang tinapay, at ikinabit ang mga kurtina at natapos na lahat ang kanilang gawain.