53 maagang-maaga silang bumangon at naghandog sa bagong altar ng mga haing susunugin, ayon sa itinakda ng kautusan ng Diyos.
54 Sa araw na iyon ay itinalaga nilang muli ang Templo sa gitna ng awitang kasaliw ang mga kudyapi, plauta at pompiyang. Ganito ring araw nang lapastanganin ng mga Hentil ang Templo.
55 Lahat ay nagpatirapa, sumamba, at nagpuri sa Diyos na lumingap at pumatnubay sa kanila.
56 Walong araw silang nagdiwang sa pagtatalagang ito; tuwang-tuwa silang nag-alay ng mga handog na susunugin. Nag-alay din sila ng handog para sa pagkakaligtas at handog pasasalamat sa Diyos.
57 Bilang palamuti, ang labas ng Templo ay nilagyan ng mga koronang ginto at maliliit na kalasag. Inayos nila at nilagyan ng mga pinto ang mga silid ng mga pari.
58 Galak na galak ang lahat nang maalis ang mga tanda ng kalapastanganang ginawa ng mga Hentil.
59 Ipinasya ni Judas, ng kanyang mga kapatid at ng lahat ng mamamayan ng Israel na sa gayon ding araw, taun-taon ay ipagdiriwang nila ang muling pagtatalaga ng Templo. Walong araw nilang gagawin ito, mula sa ikadalawampu't limang araw ng ikasiyam na buwan.