24 Si Judas Macabeo at ang kanyang kapatid na si Jonatan ay tumawid naman sa Jordan at tatlong araw na naglakbay sa ilang.
25 May nasalubong silang mga mapayapang Nabateo, at ibinalita nila ang nangyari sa kanilang mga kababayan sa Gilead.
26 Sabi nila, “Ang marami sa mga kasamahan ninyo'y nakulong sa Bozra, Bosor, gayon din sa Alema, Casfo, Maked at Carnaim.” Malalaki ang mga lunsod na ito at napapaderan.
27 Sinabi pa nilang ang iba ay nasa ibang lunsod ng Gilead. Sinabi nilang kinabukasan ay lulusubin ng kaaway ang nasabing mga lugar at lilipulin ang mga Judio roon sa loob lamang ng isang araw.
28 Pagkarinig nito'y hindi na nag-aksaya ng panahon si Judas. Sa halip na tumuloy sa Gilead, bumagtas sila ng ilang at tinungo ang Bozra. Naagaw nila ang lunsod, at pinatay ang lahat ng mga kaaway na lalaki roon. Sinamsam niya ang lahat ng ari-arian at sinunog ang lunsod.
29 Kinagabihan, nagmartsa sila papunta sa kuta ng Datema.
30 Kinaumagahan ay nakita nila ang hindi mabilang na mga taong lumulusob sa kuta. Ang mga ito'y may dalang mga hagdanan at iba't ibang kagamitang panalakay upang makuha ang kuta.