27 Sinabi pa nilang ang iba ay nasa ibang lunsod ng Gilead. Sinabi nilang kinabukasan ay lulusubin ng kaaway ang nasabing mga lugar at lilipulin ang mga Judio roon sa loob lamang ng isang araw.
28 Pagkarinig nito'y hindi na nag-aksaya ng panahon si Judas. Sa halip na tumuloy sa Gilead, bumagtas sila ng ilang at tinungo ang Bozra. Naagaw nila ang lunsod, at pinatay ang lahat ng mga kaaway na lalaki roon. Sinamsam niya ang lahat ng ari-arian at sinunog ang lunsod.
29 Kinagabihan, nagmartsa sila papunta sa kuta ng Datema.
30 Kinaumagahan ay nakita nila ang hindi mabilang na mga taong lumulusob sa kuta. Ang mga ito'y may dalang mga hagdanan at iba't ibang kagamitang panalakay upang makuha ang kuta.
31 Nabatid ni Judas sa narinig niyang umalingawngaw na tunog ng tambuli at sigawang halos umabot sa langit, na nagsimula na ang labanan.
32 Sinabi niya sa kanyang hukbo, “Lumaban tayo, alang-alang sa ating mga angkan.”
33 Pinagtatlong pangkat ni Judas ang kanyang hukbo, at mula sa likura'y sumugod sila na hinihipan ang mga tambuli at pasigaw na nagdarasal.