54 Tuwang-tuwa silang umahon sa Bundok ng Zion upang mag-alay ng handog na susunugin bilang pasasalamat sa pagsapit nila nang ligtas at dahil sa walang napahamak ni isa man sa kanila.
55 Samantalang ang magkapatid na Judas at Jonatan ay nasa Gilead, at ang kapatid nilang si Simon ay sumasalakay sa Tolemaida sa Galilea,
56 nabalitaan nina Azarias at Joseng anak ni Zacarias ang kanilang kabayanihan.
57 Kaya't sinabi nila, “Gumawa tayo ng paraan para matanyag din tayo. Labanan natin ang mga Hentil sa paligid natin.”
58 Para matupad ang gayong layunin, iniutos nila sa kanilang hukbo na pasukin ang Jamnia.
59 Nalaman ito ni Gorgias, kaya't hinarap niya ang mga ito.
60 Sa labanang ito, natalo sina Jose at Azarias at hinabol sila hanggang sa pagpasok ng Judea. May dalawang libong Israelita ang nasawi sa labanang iyon.