1 Minsa'y naglalakbay ang Haring Antioco IV sa mga lalawigan sa loob ng bansa. Nabalitaan niya na ang Elymas sa Persia ay kilala dahil sa dami ng pilak at ginto.
2 Ang templo nito ay napakayaman at may mga gintong helmet, kasuotang bakal, at mga sandata. Ang mga ito ay iniwan doon ni Alejandrong anak ni Haring Felipe ng Macedonia, ang kauna-unahang hari sa Grecia.
3 Sa paghahangad ni Antiocong matamo ang mga kayamanang ito, binalak niyang lusubin ang lunsod. Ang balak na ito ay umabot sa kaalaman ng mga tagaroon. Nabigo ang kanyang plano,
4 sapagkat nilabanan siya ng mga tagaroon. Malungkot siyang umatras at nagbalik sa Babilonia.
5 Nasa Persia ang Haring Antioco nang may magbalita sa kanya na nasindak at umatras ang mga hukbong pinasalakay sa Judea.
6 Nabalitaan din niya na si Lisias at ang malaking hukbo nito ay napaatras din ng mga Israelita. Kaya't ang mga Israelita'y bantog na sa lakas dahil sa nabihag nilang mga tauhan at kagamitan ng mga hukbong kanilang nalupig.
7 Umabot din sa kaalaman niya na inalis na ang tinatawag niyang “Kalapastanganang Walang Kapantay” na inilagay niya sa altar sa Jerusalem at ang Templo ay pinaligiran ng mataas na pader; pati ang kanyang lunsod ng Beth-sur ay nilagyan ng pader.