20 Matapos gumawa ng kanilang tanggulan at iba pang sandatang kailangan, sinalakay nila ang muog noong taóng 150.
21 May mga nakulong sa muog na nakatakas at sinamahan ng mga nagtaksil na Israelita.
22 Ang mga ito'y nagpunta sa hari, at ganito ang sinabi: “Kailan pa ninyo igagawad ang katarungan at ipaghihiganti ang aming mga kababayan?
23 Naglingkod kami sa inyong ama nang maluwag sa aming kalooban at sinunod ang lahat ng kanyang utos.
24 Ngunit anong napala namin? Kinalaban kami ng aming mga kababayan, at marami sa amin ang pinatay saka inagawan ng ari-arian.
25 Hindi lamang kami ang pinag-initan nila, kundi lahat ng mga kalapit nilang lupain.
26 Pati ang muog ng Jerusalem ay kinubkob nila para sakupin. Maging ang Templo at ang Beth-sur ay nilagyan nila ng kuta.