30 Nakabuo siya ng napakalakas na hukbo na binubuo ng 100,000 hukbong-lakad, 20,000 hukbong nakakabayo, at 32 sinanay na mga elepante.
31 Lumabas sila at tumawid sa lupain ng Edom at nagkampo sa tapat ng Beth-sur. Gumawa sila ng mga sandatang panalakay. Pagkatapos, sinalakay nila ang Beth-sur. Maraming araw nila itong nilusob, ngunit ubos-lakas na nagtanggol ang mga Judio; lumabas ang mga ito at sinunog ang mga kagamitang panalakay ng hari.
32 Iniwan ni Judas ang muog at nagkampo sa Beth-Zacarias para hadlangan ang hukbo ng hari.
33 Hindi ito nalingid sa kaalaman ng hari, kaya't maaga siyang bumangon para ihanda ang kanyang hukbo sa daang patungo sa Beth-Zacarias. Ang mga tambuli'y hinipan habang naghahanda ang mga hukbo sa napipintong labanan.
34 Ipinakita nila sa mga elepante ang katas ng ubas at iba pang alak para magalit ang mga ito, at inihanda sila sa paglaban.
35 Isang elepante ang itinalaga sa bawat isang libong kawal na pawang sandatahan at may mga kasuotang bakal. Sa bawat pangkat, 500 nakakabayo naman ang isinama.
36 Ang mga ito ay itinalaga sa elepante upang mangalaga dito at sundan ito saanman pumunta.