7 Umabot din sa kaalaman niya na inalis na ang tinatawag niyang “Kalapastanganang Walang Kapantay” na inilagay niya sa altar sa Jerusalem at ang Templo ay pinaligiran ng mataas na pader; pati ang kanyang lunsod ng Beth-sur ay nilagyan ng pader.
8 Sa mga balitang ito'y natakot ang hari at lubhang nabahala. Dahil sa kanyang mga kabiguan siya'y nagkasakit.
9 Maraming araw na nanaig sa kanya ang matinding kalungkutan, hanggang sa maramdaman niyang malapit na siyang mamatay.
10 Dahil dito, tinawag niya ang lahat niyang mga kaibigan at ganito ang sinabi, “Matagal na akong hindi makatulog dahil sa pag-aalala.
11 Naitatanong ko sa aking sarili kung bakit ko dinaranas ang ganitong kahirapan. Alam naman ninyong hindi ako mahigpit sa aking pamamahala.
12 Ngunit naalala ko ang aking masamang ginawa sa Jerusalem. Inalis kong lahat ang mga kagamitang pilak at ginto sa Templo, at ipinapatay ko ang mga mamamayan ng Judea ng walang sapat na dahilan.
13 Alam kong ito ang dahilan ng aking mga paghihirap. Ngayon, ako'y mamamatay sa ibang lupain.”