14 sapagkat ganito ang usapan nila: “Isang pari mula sa lipi ni Aaron ang dumating na kasama ng hukbo; hindi nila tayo pipinsalain.”
15 Mapayapang nakipag-usap si Alcimo sa kanila, at ganito ang pangako: “Kayo at ang inyong mga kaibiga'y hindi namin gagambalain.”
16 Dahil sa pangakong ito, nagtiwala sila. Ngunit walang anu-ano'y hinuli ang animnapu sa kanila at pinaslang noon din. Ganito ang sinasabi ng kasulatan:
17 “Ikinalat nila ang bangkay ng inyong mga hinirang,ang dugo nila'y dumanak sa paligid ng Jerusalem,at wala isa mang natira upang maglibing.”
18 Dahil dito, takot at pangamba ang nadama ng mga tao. Sabi nila, “Hindi dapat pagtiwalaan ang mga taong ito. Mga sinungaling sila at walang katarungan. Sila na rin ang sumira sa kanilang pangako.”
19 Matapos gawin ang pamamaslang, si Baquides ay umalis sa Jerusalem at humimpil sa Beth-Zait. Mula roo'y iniutos niyang dakpin ang lahat ng mga takas na Judiong sumama sa kanya. Ang mga ito'y ipinapatay at ipinatapon sa isang malaking hukay.
20 Ipinagkatiwala niya kay Alcimo ang pamamahala sa mga lalawigan at nag-iwan siya rito ng isang bahagi ng hukbo bago nagbalik sa hari.