29 At pumunta nga siya kay Judas at sila'y nagbatian nang mapayapa. Ngunit nakahanda ang mga tauhan niya upang hulihin si Judas.
30 Naramdaman ni Judas na nais lang siyang linlangin ni Nicanor, kaya sa takot niya'y hindi na siya nakiharap uli rito.
31 Nalaman ni Nicanor na hindi kumagat si Judas sa kanyang pain, kaya lumabas siya para salakayin ito sa Cafar-Salama.
32 Ngunit nagapi si Nicanor. Limandaang kawal niya ang nasawi at ang iba'y nagtago sa Lunsod ni David.
33 Samantala, umakyat naman sa Bundok ng Zion si Nicanor. Pinatuloy siya ng ilang pari mula sa Templo, kasama ang ilang matatanda, upang ipakita sa kanya ang handog para sa hari.
34 Ngunit hindi nasiyahan si Nicanor. Kinutya, hinamak, at dinuraan niya ang mga ito.
35 Sa galit niya'y sinabi niya, “Kapag hindi sumuko sa akin si Judas at ang kanyang hukbo, babalik ako matapos magtagumpay at susunugin ko ang Templong ito.” At umalis siyang galit na galit.