41 “Panginoon, nang lapastanganin ka ng mga isinugo ng hari, pinatay ng anghel mo ang 185,000 sa kanila.
42 Gayon din sana ang gawin mo ngayon sa hukbong kalaban namin para malaman ng lahat na pinarusahan mo si Nicanor dahil sa paglapastangan sa iyo.”
43 Ikalabintatlong araw noon ng ikalabindalawang buwan nang sagupain ng hukbo ni Judas ang hukbo ni Nicanor. Nagapi ang hukbo ni Nicanor at namatay ito sa labanang iyon.
44 Nang mamatay si Nicanor, iniwan ng kanyang mga kawal ang kanilang sandata at nagsitakas.
45 Maghapon silang tinugis ng mga Judio, mula sa Adasa hanggang Geza. Hinihipan nila ang kanilang trumpeta habang tinutugis ang mga kaaway.
46 Ang buong palibot ng Judea ay tumulong sa pagtugis kaya walang matakbuhan ang mga kaaway, at ang mga ito ay napatay na lahat.
47 Ang naiwang mga ari-arian ay sinamsam ng mga Judio. Pinugot nila ang ulo ni Nicanor at pinutol ang kanyang kanang kamay, na labis niyang ipinagpasikat sa taglay na kapangyarihan. Dinala nila ang mga ito sa Jerusalem at ipinakita sa mga tao.