1 Nakarating kay Demetrio ang balitang si Nicanor ay napatay at ang hukbo nito ay natalo sa labanan. Kaya't tinawag niya sina Baquides at Alcimo at sinugong muli sa Judea kasama ang hukbo ng Siria.
2 Dumaan sila sa Galilea at humimpil sa tapat ng Arbela. Nasakop nila ang Arbela at marami silang napatay.
3 Noong unang buwan ng taóng 152, humimpil sila sa tapat ng Jerusalem.
4 Mula roon, nagpunta sila sa Berea, kasama ang 20,000 kawal na lakad at 2,000 kawal na nakakabayo.
5 Samantala, si Judas ay nakahimpil naman sa Elasa, kasama ang 3,000 piling kawal.
6 Natakot ang mga ito nang makitang napakarami ng kanilang kaaway. Marami ang tumakas at 800 lang ang natira sa kanila.