68 Puspusan silang lumaban sa pangkat nito, at ito'y nagapi nila. Labis na dinamdam ni Baquides ang kanyang pagkatalo sapagkat nabigo ang kanyang hangarin.
69 Ang pinagbuntunan niya ng galit ay ang mga sumusuway sa utos ng Diyos dahil ang mga taong ito ang nagpayong lusubin niya ang lalawigan. Pinatay niya ang marami sa kanila, at pagkatapos, ipinasya niyang umuwi na.
70 Nalaman ito ni Jonatan, kaya't nagsugo siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo kay Baquides at tuloy sikaping mapalaya ang kanilang mga kasamang nabilanggo.
71 Pumayag si Baquides sa alok na ito ni Jonatan at nangako pang hahayaan siyang mabuhay ng mapayapa.
72 Gaya nang napagkasunduan, pinalaya niya ang mga bilanggong nabihag sa Judea. Nagbalik siya sa sariling bansa at mula noo'y hindi na nagpakita sa Judea.
73 Buhat noon, natigil na ang digmaan sa Israel. Si Jonatan ay nanirahan sa Micmas. Ginawa siyang hukom ng mga tao at nilipol niya ang lahat ng ayaw kumilala sa Diyos ng bansang Israel.