11 Kaya kinausap ni Natan si Batsheba na ina ni Solomon. Sabi niya, “Hindi ba ninyo alam na ipinahayag na ni Adonias na siya na ang hari at ito ay lingid sa kaalaman ni Haring David?
12 Kung gusto ninyong iligtas ang sarili ninyong buhay at pati ang buhay ng inyong anak na si Solomon, ito ang maipapayo ko:
13 pumunta agad kayo sa hari at sabihin sa kanya, “Hindi ba't ipinangako ninyo sa akin na si Solomon ang maghahari na kahalili ninyo? Bakit si Adonias ngayon ang naging hari?
14 At samantalang kausap ninyo ang hari, papasok ako at patutunayan ko ang inyong sinabi.”
15 Pumunta nga si Batsheba sa silid ng hari. Ang hari noon ay matandang-matanda na at si Abisag, ang dalagang taga-Sunem ang nag-aalaga sa kanya.
16 Yumuko si Batsheba at nagpatirapa sa harapan ng hari. “Anong kailangan mo?” tanong ng hari.
17 Sumagot siya, “Mahal kong hari, ipinangako po ninyo sa akin sa pangalan ng Diyos ninyong si Yahweh na ang anak kong si Solomon ang magiging hari kapalit ninyo.