1 Pumunta sa Shekem si Rehoboam sapagkat nagtipun-tipon doon ang lahat ng mga taga-Israel upang siya'y gawing hari.
2 Nasa Egipto pa noon si Jeroboam na anak ni Nebat. Nagtago siya roon noong pinaghahanap siya ni Solomon. Nang mabalitaan ni Jeroboam ang mga pangyayari, umuwi siya mula sa Egipto.
3 Siya'y kanilang ipinasundo mula roon. Humarap nga kay Rehoboam si Jeroboam at ang buong Israel at sinabi sa kanya,
4 “Napakabigat po ng mga pasaning iniatang sa amin ng inyong ama. Bawasan po ninyo ang pahirap na ginawa niya sa amin; pagaanin ninyo ang pasanin na aming dinadala at paglilingkuran namin kayo.”
5 Sumagot si Rehoboam, “Bigyan ninyo ako ng tatlong araw upang mapag-aralan ang bagay na ito, at pagkatapos bumalik kayo.” Kaya umalis muna ang mga tao.
6 Sumangguni si Rehoboam sa matatandang tagapayo na naglingkod kay Solomon nang ito'y nabubuhay pa. Itinanong niya sa kanila kung ano ang dapat niyang gawin.
7 At ganito ang sabi sa kanya ng matatanda: “Kapag pinagbigyan ninyo ang kanilang kahilingan at ipinakita ninyong handa kayong maglingkod sa kanila, kapag sila'y inyong pinakitunguhang mabuti, maglilingkod sila sa inyo habang panahon.”
8 Ngunit binale-wala ni Rehoboam ang payo ng matatanda. Sa halip, nagtanong siya sa mga kababata niya na ngayo'y naglilingkod sa kanya,
9 “Ano ang dapat kong isagot sa mga taong humihiling na pagaanin ko ang pasaning ipinataw sa kanila ng aking ama?”
10 Ganito naman ang payo nila: “Sabihin mo sa kanila na ang iyong ama ay naging mahina;
11 at daragdagan mo pa ang pahirap na kanyang ipinapasan sa kanila; at kung sila'y hinagupit niya ng latigo, hahagupitin mo naman sila ng mga panghampas na may tinik na bakal.”
12 Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik si Jeroboam at ang mga tao, ayon sa iniutos sa kanila ng hari.
13 Salungat sa payo ng matatanda, magaspang ang sagot na ibinigay ni Rehoboam sa mga tao.
14 Ang sinunod niya'y ang payo ng kabataan, kaya't sinabi niya, “Kung mabigat ang dalahing ipinapasan sa inyo ng aking ama, daragdagan ko pa iyan! Kung hinagupit niya kayo ng latigo, panghampas na may tinik na bakal ang ihahagupit ko sa inyo!”
15 Hindi nga pinakinggan ng hari ang karaingan ng bayan. Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ng propeta ni Yahweh na si Ahias kay Jeroboam na anak ni Nebat nang sila'y magkita sa Shilo.
16 Nang makita ng mga taong-bayan na ayaw silang pakinggan ng hari ay sinabi nila, “Umuwi na tayo, O Israel! Ano bang mapapala natin kay David? Ano bang nagawa para sa atin ng anak ni Jesse? Pabayaan na natin ang sambahayan ni David!”Umuwi na nga sa kani-kanilang tahanan ang sampung lipi ng Israel.
17 Ang mga naninirahan lamang sa mga lunsod ng Juda ang nanatiling sakop ni Rehoboam.
18 Pagkatapos, pinapunta niya sa sampung lipi si Adoniram, ang tagapangasiwa ng sapilitang pagtatrabaho, ngunit ito ay pinagbabato nila hanggang mamatay. Kaya't nagmamadaling sumakay si Rehoboam sa kanyang karwahe at tumakas patungo sa Jerusalem.
19 Magmula noon, patuloy na naghimagsik ang sampung lipi ng Israel sa paghahari ng angkan ni David.
20 Nang marinig ng pinuno ng Israel na bumalik na si Jeroboam, siya'y ipinatawag nila sa kapulungan ng bayan at ginawang hari ng sampung lipi ng Israel. Ang lipi lamang ni Juda ang nanatili sa angkan ni David.
21 Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mga lipi ni Juda at ni Benjamin. Nakatipon siya ng 180,000 mga sanay na mandirigma upang digmain ang sampung lipi ni Israel at bawiin ang kanyang kaharian.
22 Subalit sinabi ni Yahweh kay Semaias na kanyang lingkod,
23 “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon at hari ng mga lipi ng Juda at Benjamin
24 na huwag na nilang digmain ang sampung lipi ng Israel. Hayaan na niyang makauwi ang bawat isa sa kanya-kanyang tahanan sapagkat ang nangyari ay aking kalooban.” Sinunod naman nila ang utos ni Yahweh at sila'y umuwi sa kani-kanilang mga tahanan.
25 Pinatibay ni Jeroboam ang Shekem sa kabundukan ng Efraim at doon siya pansamantalang nanirahan. Pagkatapos, lumipat siya sa Penuel.
26 Naisip ni Jeroboam na kung magpapatuloy ang dating kaugalian ng kanyang mga nasasakupan, malamang na manumbalik ang mga iyon sa angkan ni David. Ito ang sabi niya sa sarili,
27 “Kapag ang mga taong ito'y hindi tumigil ng pagpunta sa Templo ni Yahweh sa Jerusalem upang mag-alay ng mga handog, mahuhulog muli ang kanilang loob sa dati nilang pinuno, si Rehoboam na hari ng Juda, at ako'y kanilang papatayin.”
28 Kaya't matapos pag-isipan ang bagay na ito, gumawa siya ng dalawang guyang ginto at sinabi sa mga taong-bayan, “Huwag na kayong mag-abalang pumunta sa Jerusalem. Narito, bayang Israel, ang inyong diyos na naglabas sa inyo sa Egipto.”
29 Inilagay niya ang isa sa Bethel at ang isa nama'y sa Dan.
30 At ang bagay na ito'y naging sanhi ng pagkakasala ng Israel. May mga pumupunta sa Bethel upang sumamba at mayroon din sa Dan.
31 Nagtayo pa siya ng mga sambahan sa burol at naglagay ng mga paring hindi mula sa lipi ni Levi.
32 Ginawa niyang pista ang ikalabing limang araw ng ikawalong buwan ng taon, katulad ng kapistahang ipinagdiriwang sa Juda. Naghandog siya sa altar sa Bethel sa mga guyang ginto na kanyang ginawa at naglingkod doon ang mga paring inilagay niya sa mga sagradong burol.
33 Pumunta nga siya sa altar na kanyang ipinatayo sa Bethel noong ikalabing limang araw ng ikawalong buwan, buwan na siya ang pumili. Iyo'y ginawa niyang pista sa sampung lipi ng Israel, at siya mismo ang umakyat sa altar at nagsunog ng insenso.