1 Nabalitaan ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Solomon. Kaya't nagsadya siya upang subukin ito sa pamamagitan ng mahihirap na katanungan.
2 Dumating siya sa Jerusalem na may kasamang maraming alalay at may dalang maraming kayamanan: mga kamelyo na may kargang iba't ibang uri ng pabango, napakaraming ginto at batong hiyas. At nang makaharap na siya ni Solomon, sinabi niya ang kanyang pakay.
3 Sinagot naman ni Solomon ang lahat ng kanyang tanong at wala ni isa mang hindi nito naipaliwanag.
4 Humanga ang reyna sa karunungan ni Solomon at sa palasyong ipinagawa nito.
5 Napansin niya ang pagkain sa hapag ng hari, ang mga tirahan ng kanyang mga opisyal at ang kaayusan ng kanyang mga tauhan. Napansin din niya ang kanyang kasuotan, ang mga tagadulot niya ng inumin, ang handog na iniaalay niya sa Templo. Hangang-hanga ang reyna sa kanyang nakita.
6 Kaya't sinabi niya sa hari, “Totoo nga palang lahat ang narinig ko tungkol sa inyo at sa inyong karunungan.
7 Hindi ko mapaniwalaan ang mga sinasabi nila sa akin tungkol sa inyo. Ngunit ngayong nakita ko na ang lahat, napatunayan kong wala pa pala sa kalahati ang ibinalita nila sa akin. Sapagkat ang inyong karunungan ay talagang higit kaysa ibinalita nila.