11 At ngayo'y pinapapunta ninyo ako sa kanya para sabihing narito kayo?
12 Ano ngayon ang mangyayari? Sa sandaling ako'y umalis upang sabihin kay Ahab na narito kayo ay dadalhin naman kayo ng Espiritu ni Yahweh sa lugar na hindi ko alam. At kapag hindi nila kayo nakita, ako ang kanyang papatayin. Maawa kayo sa akin, sapagkat ako po naman ay may takot kay Yahweh mula pa sa pagkabata.
13 Hindi po ba ninyo nababalitaan na may sandaang propeta ni Yahweh ang aking iniligtas noong sila'y gustong patayin ni Jezebel? Itinago ko sila sa isang yungib, tiglilimampu bawat pangkat, at dinalhan ko sila roon ng pagkain at tubig.
14 At ngayon, pinapapunta ninyo ako kay Ahab upang sabihing narito kayo? Tiyak na papatayin niya ako.”
15 Ngunit sinabi sa kanya ni Elias: “Saksi si Yahweh, ang buháy na Makapangyarihan sa lahat, haharap ako kay Ahab sa araw na ito.”
16 Hinanap nga ni Obadias si Ahab at sinabi ang lahat ng ipinapasabi ni Elias. At lumakad si Ahab upang salubungin ang propeta.
17 Nang makita ni Ahab si Elias ay sinabi nito, “Ikaw nga ba iyan, ang nanggugulo sa Israel?”