22 Muling nagsalita si Elias, “Ako na lang ang natitira sa mga propeta ni Yahweh, samantalang may apatnaraan at limampu ang mga propeta ni Baal.
23 Magdala kayo rito ng dalawang toro. Hayaan ninyong ang isa sa mga ito ay patayin ng mga propeta ni Baal, at pagkatapos ay katayin at ilagay sa ibabaw ng mga kahoy. Huwag ninyong sisindihan. Gayundin naman ang gagawin ko sa isa pang toro.
24 Pagkatapos, tawagin ninyo ang inyong diyos at tatawagin ko naman si Yahweh. Ang diyos na tumugon sa pamamagitan ng apoy, ang siyang tunay na Diyos.”At sumagot ang bayan, “Sang-ayon kami!”
25 Sinabi naman ni Elias sa mga propeta ni Baal, “Sapagkat kayo ang marami, pumili na kayo ng isang toro at ihanda na ninyo. Pagkatapos, tawagin ninyo ang inyong diyos, ngunit huwag ninyong sisindihan ang kahoy.”
26 Kinuha nga nila ang isa sa mga toro at inihanda ito. Mula umaga hanggang tanghali, tinawagan nila si Baal. “Baal, Baal, pakinggan mo kami,” sigaw nila, samantalang pasayaw-sayaw sa paligid ng altar na itinayo nila. Ngunit walang sumasagot.
27 Nang katanghalian na'y hinamak na sila ni Elias. Sabi niya, “Lakasan pa ninyo! Isa siyang diyos, di ba? Baka nagbubulay-bulay pa siya, o kaya'y nasa palikuran! O baka naman may pinuntahan lang. O baka natutulog kaya't kailangang gisingin!”
28 Lalo nga nilang inilakas ang kanilang sigaw. Hiniwaan pa nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kutsilyo at punyal tulad ng kanilang kaugalian hanggang sa maging duguan sila.