27 Nang katanghalian na'y hinamak na sila ni Elias. Sabi niya, “Lakasan pa ninyo! Isa siyang diyos, di ba? Baka nagbubulay-bulay pa siya, o kaya'y nasa palikuran! O baka naman may pinuntahan lang. O baka natutulog kaya't kailangang gisingin!”
28 Lalo nga nilang inilakas ang kanilang sigaw. Hiniwaan pa nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kutsilyo at punyal tulad ng kanilang kaugalian hanggang sa maging duguan sila.
29 Patuloy silang nagsigawan at nag-ungulan hanggang inabot sila ng hapon ngunit wala pa ring tinig o anumang sagot.
30 Nagsalita si Elias sa buong bayan, “Lumapit kayo sa akin.” At nagsilapit ang lahat. Inayos niya ang altar ni Yahweh na matagal nang gumuho.
31 Kumuha siya ng labindalawang bato, katumbas ng bilang ng mga lipi ni Jacob na binigyan ni Yahweh ng pangalang Israel.
32 Ang mga bato'y ginawa niyang altar para kay Yahweh. Pinaligiran niya iyon ng isang kanal na maaaring maglaman ng dalawang baldeng tubig.
33 Isinalansan niya ang mga kahoy, kinatay ang toro at ipinatong sa kahoy. Pagkatapos, sinabi niya, “Kumuha kayo ng apat na bangang tubig at ibuhos sa handog at sa kahoy.” Ganoon nga ang ginawa nila.