5 Sinabi ni Ahab kay Obadias, “Tayo na! Galugarin natin ang buong lupain at tingnan ang bawat ilog at libis. Baka makakita tayo roon ng sapat na damo upang huwag mamatay sa gutom ang ating mga kabayo, mola at baka.”
6 Naghiwalay sila sa paghahanap ng pagkain sa buong kaharian: si Ahab sa isang panig at si Obadias naman sa kabila.
7 Sa paglalakbay ni Obadias, nakasalubong niya si Elias. Nakilala niya ang propeta, kaya't nagpatirapa siya at sinabi, “Kayo nga ba iyan, mahal na propetang Elias?”
8 “Ako nga,” sagot naman nito. “Pumunta ka sa iyong panginoong si Ahab at sabihin mong narito ako.”
9 Ganito naman ang sagot ni Obadias: “Ano pong kasalanan ang nagawa ko sa inyo at gusto ninyo akong mapatay ni Ahab?
10 Saksi si Yahweh, ang inyong buháy na Diyos, hinahanap kayo ni Haring Ahab sa bawat bansa sa daigdig. At kapag may nagsabing wala kayo roon, ayaw niyang maniwala hangga't hindi sila nanunumpa na kayo'y talagang hindi nila nakita.
11 At ngayo'y pinapapunta ninyo ako sa kanya para sabihing narito kayo?