5 Pagkatapos, nahiga siya at nakatulog. Ngunit dumating ang isang anghel, kinalabit siya nito at ang sabi, “Gising na at kumain ka!”
6 Nang siya'y lumingon, nakita niya sa may ulunan ang isang tinapay na niluto sa ibabaw ng mainit na bato, at tubig sa isang lalagyan. Kumain nga siya at uminom. Pagkatapos ay nahiga muli.
7 Ngunit bumalik ang anghel ni Yahweh, ginising siya muli at sinabi, “Bumangon ka at kumain. Napakahaba pa ng lalakarin mo.”
8 Kumain nga siyang muli at uminom. At ang pagkaing iyo'y nagbigay sa kanya ng sapat na lakas upang maglakbay ng apatnapung araw at apatnapung gabi hanggang sa Sinai, ang Bundok ng Diyos.
9 Pumasok siya sa isang yungib at doon nagpalipas ng gabi. Walang anu-ano'y nagsalita sa kanya si Yahweh, “Anong ginagawa mo rito, Elias?”
10 Sumagot si Elias, “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ikaw lang po ang pinaglingkuran ko sa tanang buhay ko. Subalit sinira po ng bayang Israel ang kanilang kasunduan sa inyo. Winasak nila ang inyong mga altar, at pinatay ang inyong mga propeta. Ako na lamang ang natitira, at pinaghahanap nila ako upang patayin din.”
11 Ganito ang sagot sa kanya: “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa harapan ko.” Pagkasabi nito'y dumaan si Yahweh at umihip ang napakalakas na hangin. Sumabog ang bundok at nagkadurug-durog ang mga bato sa lakas ng hangin ngunit wala sa hangin si Yahweh. Nang tumigil ang hangin ay lumindol, ngunit wala sa lindol si Yahweh.