22 Sumagot si Haring Solomon sa kanyang ina, “At bakit po ninyo hiniling si Abisag para kay Adonias? Bakit hindi rin ninyo hilinging ibigay ko sa kanya ang trono, sapagkat siya'y nakatatanda kong kapatid; at ang paring si Abiatar, pati si Joab na anak ni Zeruias ay nasa kanyang panig.”
23 Nanumpa noon si Haring Solomon, “Parusahan nawa ako ni Yahweh kapag hahayaan ko pang mabuhay si Adonias dahil sa ginawa niyang ito!
24 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy na naglagay sa akin sa trono ng aking amang si David, at nangakong mananatiling maghahari sa Israel ang aming lahi; sa araw ding ito'y mamamatay si Adonias.”
25 Kaya't iniutos niya kay Benaias na patayin si Adonias, at ganoon nga ang nangyari.
26 Tungkol naman sa paring si Abiatar, siya'y pinagsabihan ng hari, “Pumunta ka sa lupain mo sa Anatot. Dapat ka sanang mamatay. Ngunit hindi kita ipapapatay sa araw na ito alang-alang sa pangangasiwa mo sa Kaban ng Tipan ng Panginoong Yahweh nang kasama ka pa ng aking amang si David, at sa pakikisama mo sa kanya sa mga hirap na kanyang dinanas.”
27 Ngunit tinanggal ni Solomon si Abiatar sa pagkapari ni Yahweh. Sa gayong paraan, natupad ang sinabi ni Yahweh sa Shilo tungkol sa angkan ni Eli.
28 Ang lahat ng ito'y nabalitaan ni Joab. Sapagkat pumanig siya kay Adonias, kahit hindi siya pumanig kay Absalom, kaya't nagtago siya sa Tolda ni Yahweh at kumapit sa mga sungay ng altar.