1 Mga Hari 20:23-29 MBB05

23 Pinayuhan din ng kanyang mga opisyal ang hari ng Siria, at kanilang sinabi, “Mga diyos ng kabundukan ang kanilang diyos, kaya tayo natalo. Ngunit labanan natin sila sa kapatagan at tiyak na matatalo sila.

24 Ganito po ang inyong gawin: alisin ninyo sa kanilang tungkulin sa hukbo ang mga haring kasama ninyo, at palitan ninyo ng mga pinunong-kawal.

25 Bumuo kayo ng isang hukbong sinlaki ng dati, na may gayunding dami ng kabayo at karwahe. Sa kapatagan natin sila labanan at ngayo'y tiyak na magtatagumpay tayo.” Nakinig ang hari sa kanilang payo at ganoon nga ang ginawa.

26 Pagsapit ng tagsibol, tinipon ni Ben-hadad ang hukbo ng Siria at nagtungo sa Afec upang lusubin ang Israel.

27 Nagtipun-tipon din naman ang mga Israelita at naghanda upang salubungin ang kalaban. Nagdalawang pangkat sila, at nagtayo ng kampo sa tapat ng mga iyon. Parang dalawang kawan lang ng kambing ang hukbo ng Israel, samantalang halos matakluban ng hukbo ng Siria ang pook na iyon.

28 Lumapit muli sa hari ng Israel ang lingkod ng Diyos at sinabi sa kanya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Sapagkat sinabi ng mga taga-Siria na ako ay Diyos ng kabundukan at hindi Diyos ng kapatagan, ipapalupig ko sa iyo ang hukbong iyan sa kabila ng kanilang dami at lakas. Makikita ninyo ngayon na ako nga si Yahweh.’”

29 Pitong araw silang nagmanman sa isa't isa. Nagsimula ang labanan sa ikapitong araw, at sa araw na iyon sandaang libong kawal ang napatay sa hukbo ng Siria. Tumakas ang natirang buháyat pumasok sa Lunsod ng Afec.