10 Nasa isang giikan sa may pasukan ng Samaria ang hari ng Israel at si Jehoshafat. Nakaupo silang dalawa sa kanya-kanyang trono at nakasuot ng damit-hari. Samantala, nasa kanilang harapan ang mga propeta at sama-samang nanghuhula.
11 Naglagay ng mga sungay na bakal si Zedekias na anak ni Canaana, tumayo at ganito ang sinabi kay Ahab, “Sa pamamagitan nito'y lilipulin ninyo ang mga taga-Siria.”
12 Ganoon din ang sinabi ng iba pang propeta. Sabi nila, “Mahal na hari, salakayin po ninyo ang Ramot-gilead at matatalo ninyo sila. Magtatagumpay kayo sa tulong ni Yahweh.”
13 Sinabi ng sugong pinapunta kay Micaya, “Iisa ang sinasabi ng lahat ng mga propeta: magtatagumpay ang hari. Ganoon din ang sabihin mo!”
14 Sumagot si Micaya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, kung ano ang sabihin niya sa akin, iyon din ang aking sasabihin.”
15 Pagdating niya sa harapan ng hari, siya'y tinanong, “Micaya, sasalakayin ba namin ang Ramot-gilead?”“Salakayin po ninyo at magwawagi kayo. Magtatagumpay kayo sa tulong ni Yahweh.”
16 Ngunit siya'y muling tinanong ng hari, “Ilang ulit ko bang sasabihin sa iyo na pawang katotohanan lamang ang sasabihin mo sa pangalan ni Yahweh?”