8 At ganito ang naging tugon ni Hiram kay Solomon: “Natanggap ko ang iyong mensahe. Handa akong magbigay sa inyo ng lahat ng kailangan ninyong kahoy na sedar at sipres.
9 Ilulusong ng aking mga tauhan ang mga troso buhat sa Lebanon hanggang sa dagat. Buhat naman doon ay babalsahin hanggang sa daungan na inyong mapili. Pagdating doon, saka paghihiwa-hiwalayin upang inyong ipahakot. Bilang kapalit, bibigyan naman ninyo ako ng mga pagkain para sa aking mga tauhan.”
10 Kaya't pinadalhan ni Hiram si Solomon ng lahat ng kahoy na sedar at sipres na kailangan nito.
11 Taun-taon naman ay pinadadalhan ni Solomon si Hiram ng 100,000 takal ng trigo at 110,000 galong langis ng olibo para sa mga tauhan nito.
12 Si Solomon nga'y binigyan ni Yahweh ng karunungan tulad ng kanyang ipinangako. Naging magkaibigan sina Solomon at Hiram, at gumawa sila ng kasunduan ng pagkakaibigan.
13 Iniutos ni Solomon sa buong Israel ang sapilitang pagtatrabaho ng 30,000 kalalakihan.
14 Ipinadadala niya sa Lebanon ang mga ito, 10,000 bawat pangkat. Isang buwan sila sa Lebanon, at dalawang buwan sa kani-kanilang tahanan. Si Adoniram ang tagapangasiwa ng sapilitang paggawang ito.