33 “Kapag natalo ng kanilang mga kaaway ang bayan ninyong Israel dahil sa pagtalikod nila sa inyo, sa sandaling magbalik-loob sila sa inyo, kumilala sa inyong kapangyarihan, nanalangin at nanawagan sa inyo sa Templong ito,
34 pakinggan ninyo sila at patawarin. Ibalik ninyo sila sa lupaing ibinigay ninyo sa kanilang mga ninuno.
35 “Kapag ang langit ay nagkait ng ulan sapagkat nagkasala sa inyo ang bayang Israel, kung sila'y manalangin sa Templong ito at magpuri sa inyong pangalan, kapag sila'y nagsisi sa kanilang kasalanan sa pagkakilalang iyon ang dahilan ng inyong pagpaparusa,
36 pakinggan ninyo sila, Yahweh. Patawarin ninyo ang inyong mga alipin, ang bayang Israel. Ituro ninyo sa kanila ang landas na dapat nilang lakaran. Ibuhos na ninyo ang ulan sa lupaing ibinigay ninyo sa inyong bayan.
37 “Kung lumaganap sa lupain ang gutom at salot, kung malanta at matuyo ang mga halaman, kung ang mga ito'y salantain ng uod at balang, kapag ang alinman sa kanilang lunsod ay kinubkob ng kaaway,
38 pakinggan ninyo ang kanilang dalangin. Sa sandaling sila'y magsisi at iunat ang kanilang mga kamay paharap sa lugar na ito upang tumawag at magmakaawa sa inyo,
39 pakinggan ninyo sila mula sa langit na inyong tahanan at sila'y patawarin. Ibigay ninyo sa kanila ang nararapat sa kanilang mga gawa, sapagkat kayo lamang ang nakakaalam kung ano ang nasa puso ng mga tao.