40 Sa gayon, mananatili silang may takot sa inyo habang sila'y nabubuhay dito sa lupaing ibinigay ninyo sa aming mga ninuno.
41-42 “Kung ang isang dayuhan na mula pa sa malayong lugar na nakarinig ng kadakilaan ng inyong pangalan at mga kabutihang ginawa ninyo para sa inyong bayang Israel ay nanirahan sa bayang ito at nagsadya sa Templong ito upang manalangin,
43 pakinggan ninyo siya buhat sa langit na inyong tahanan, at ipagkaloob ang kanyang hinihiling. Sa gayon, makikilala ng lahat ng tao sa buong mundo ang inyong pangalan at sila'y sasamba sa inyo, tulad ng Israel. Malalaman nilang dito sa Templong ito na aking itinayo, ang inyong pangalan ay dapat sambahin.
44 “Kapag inutusan ninyo ang inyong bayan na makipagdigma sa kanilang mga kaaway bilang pagsunod sa inyong kalooban, kapag sila'y humarap sa lunsod na ito na inyong pinili, sa Templong ito na ipinatayo ko para sa inyong karangalan,
45 pakinggan ninyo sila at papagtagumpayin ninyo sila.
46 “Yahweh, ang lahat po ay nagkasala. Kung ang bayang ito'y magkasala sa inyo at dahil sa galit ninyo'y pinabayaan ninyo silang mabihag ng kanilang mga kaaway sa malayo o malapit man,
47 kung sa lupaing pinagdalhan sa kanila'y makilala nila ang kanilang kamalian at tanggapin nilang sila nga'y naging masama at nagkasala sa inyo,