20 Sapilitang pinapagtrabaho ni Solomon ang mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Hivita at Jebuseo na nakatira pa sa lupain.
21 Ito ang mga anak at apo ng mga nakaligtas nang iutos ni Yahweh sa mga Israelita na lipulin ang lahat ng lahi na daratnan nila sa lupain ng Canaan.
22 Hindi niya isinama sa sapilitang paggawa ang mga Israelita. Sa halip ang mga ito'y ginawa niyang mandirigma, mga kawal at pinuno ng hukbo, ng kanyang kabayuhan, at ng kanyang mga karwahe.
23 Ang bilang ng mga tagapangasiwa ni Solomon na pinamahala niya sa mga manggagawa ay 550 katao.
24 Nang mayari na ang palasyong ipinagawa niya para sa reyna na anak ng Faraon, pinalipat niya ito mula sa Lunsod ni David. Pagkatapos, ipinagawa niya ang Millo.
25 Taun-taon, tatlong beses na naghahandog si Solomon sa altar na itinayo niya para kay Yahweh. Nag-aalay siya ng mga handog na susunugin at mga handog na pinagsasaluhan, at nagsusunog din siya ng insenso para kay Yahweh. At natapos niya ang pagtatayo ng Templo.
26 Nagpagawa rin si Solomon ng maraming barko sa Ezion-geber. Ang lunsod na ito ay nasa baybayin ng Dagat na Pula, sa lupain ng Edom, malapit sa Elat.