3 Sinabi sa kanya, “Ibinigay ko ang lahat ng hiniling mo sa iyong panalangin. Itinatakda kong sa Templong ito na inyong ipinatayo, dito mo ako sasambahin magpakailanman. Babantayan ko at iingatan ang Templong ito habang panahon.
4 Kung ikaw naman ay mananatiling tapat sa akin, gaya ng iyong amang si David, kung gagawin mong lahat ang mga ipinagagawa ko sa iyo, at susundin mo ang aking mga utos at tuntunin,
5 pananatilihin ko sa trono ng Israel ang iyong angkan. Iyan ang aking ipinangako sa iyong amang si David.
6 Ngunit kung ikaw, o ang iyong mga anak, ay tatalikod sa akin at hindi susunod sa aking mga kautusan at batas; kapag kayo'y sumamba at naglingkod sa ibang diyos,
7 palalayasin ko ang bayang Israel sa lupaing ibinigay ko sa kanila. Itatakwil ko ang Templong ito na aking itinuring na banal at itinakdang lugar na kung saan ako ay sasambahin. Ang Israel ay pagtatawanan at hahamakin ng lahat ng bansa.
8 Magigiba ang Templong ito, at sinumang mapadaan dito'y mangingilabot at magtataka. Sasabihin nila, ‘Bakit ginawa ito ni Yahweh sa lupaing ito at sa Templong ito?’
9 At ganito ang isasagot ng mga tao: ‘Sapagkat tinalikuran nila si Yahweh, ang kanilang Diyos na nagligtas sa kanilang mga ninuno mula sa pagkaalipin sa Egipto. Sumamba sila at naglingkod sa ibang mga diyos kaya pinabayaan sila ni Yahweh na mapahamak.’”