1 Ito ang aklat ni Baruc na anak ni Nerias at apo ni Maseias. Si Maseias ay mula sa lahi nina Zedekias, Hasadias at Hilkias. Ito ay sinulat sa Babilonia
2 noong ikapitong araw ng buwan, limang taon matapos sakupin at sunugin ng mga taga-Babilonia ang Jerusalem.
3 Binasa ni Baruc ang aklat na ito kay Jehoiakin na anak ni Jehoiakim, hari ng Juda, sa harapan ng lahat ng dumating upang mapakinggan ang pagbasa niyon.
4 Kabilang sa mga ito ang mga maharlika, ang mga anak ng mga hari, ang matatandang pinuno at ang lahat ng uri ng Judiong naninirahan sa Babilonia, mayaman at mahirap, sa baybayin ng Ilog Sud.
5 Nang mabasa ang aklat, ang lahat ay nanangis, nag-ayuno at nanalangin sa Panginoon.