14 Basahin ninyo ang aklat na ito at ipahayag ninyo ang inyong kasalanan doon sa Templo, sa unang araw ng Pista ng mga Tolda at sa inyong mga pagdiriwang ng iba pang mga takdang kapistahan.”
15 Ganito ang sabihin ninyo: “Matuwid ang Panginoon naming Diyos. Ngunit lubog pa rin kami sa kahihiyan hanggang ngayon—kaming mga taga-Juda, mga mamamayan ng Jerusalem,
16 pati ang aming mga hari, mga pinuno, mga pari, mga propeta at mga ninuno—
17 sapagkat nagkasala kami sa Panginoon.
18 Nilabag namin ang kanyang mga utos at hindi kami nakinig sa kanya, at hindi namin sinunod ang mga tuntuning ibinigay niya sa amin.
19 Mula nang ang mga ninuno namin ay ilabas ng Panginoon sa Egipto hanggang ngayon, patuloy kaming sumusuway sa Panginoon naming Diyos. Nagpabaya kami at hindi siya pinakinggan.
20 Kaya ngayon ay naghihirap kami. Nagaganap sa amin ang sumpa na ibinabala ng Panginoon sa pamamagitan ng lingkod niyang si Moises nang ang mga ninuno namin ay ilabas niya sa Egipto at dalhin sa isang lupaing mayaman at masagana sa lahat ng bagay.