1 Nang ikatlong taon ng paghahari ni Haring Jehoiakim sa Juda, ang Jerusalem ay kinubkob ni Nebucadnezar na hari ng Babilonia.
2 Pinahintulutan ng Panginoon na bihagin niya si Haring Jehoiakim at samsamin ang ilang kasangkapan sa Templo. Lahat ng ito ay dinala ni Nebucadnezar sa lupain ng Babilonia at inilagay sa kabang-yaman ng templo ng kanyang mga diyos.
3 Iniutos ng hari kay Aspenaz, ang pinakamataas na opisyal ng palasyo, na pumili ng ilang Israelitang kabilang sa angkan ng mga hari at ilan sa angkan ng mga maharlika.
4 Ang pipiliin nila ay mga kabataan na walang kapansanan, makikisig, matatalino, madaling turuan, may malawak na pang-unawa at karapat-dapat maglingkod sa palasyo. Tuturuan din sila ng wika at panitikan ng mga taga-Babilonia.
5 Iniutos ng hari na sila'y paglaanan ng pagkain at alak araw-araw mula sa kanyang sariling pagkain at alak. Tatlong taon silang sasanayin bago maglingkod sa hari.
6 Kabilang sa mga napili ay sina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias na pawang nagmula sa lipi ni Juda.
7 Binigyan sila ni Aspenaz ng mga bagong pangalan. Si Daniel ay Beltesazar, Shadrac naman si Hananias, Meshac si Misael, at Abednego si Azarias.
8 Ngunit ipinasya ni Daniel na hindi niya durungisan ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mga pagkain at alak na galing sa hari. Kaya, ipinakiusap niya kay Aspenaz na huwag silang pakainin at painumin ng mga iyon.
9 Niloob naman ng Diyos na siya'y kalugdan at pagbigyan ni Aspenaz.
10 Ngunit sinabi niya kay Daniel, “Natatakot lamang ako sa gagawin sa akin ng mahal na hari na naglalaan ng pagkain at inumin ninyo kapag nakita niyang mas mahina kayo kaysa sa ibang mga kabataan na kasing-edad ninyo. Tiyak na papupugutan niya ako ng ulo.”
11 Dahil dito, lumapit si Daniel sa bantay na pinagkatiwalaan ni Aspenaz na mangalaga sa kanya at sa tatlo niyang kaibigan.
12 Pakiusap niya, “Subukin ninyo kami sa loob ng sampung araw. Gulay lang at tubig ang ibigay ninyo sa amin.
13 Pagkatapos, ihambing ninyo kami sa mga kasing-edad namin na pinapakain ninyo ng pagkaing bigay ng hari at gawin ninyo sa amin ang nararapat.”
14 Sinubok nga sila sa loob ng sampung araw.
15 At pagkalipas ng sampung araw, nakitang mas malulusog at malalakas sila kaysa mga kasing-edad nilang pinakain ng pagkaing galing sa hari.
16 Kaya, gulay at tubig na lang ang ibinigay sa kanila sa halip na pagkain at inuming galing sa hari.
17 Binigyan ng Diyos ang apat na kabataan ng kaalaman at kakayahan sa panitikan at agham. Bukod dito, binigyan pa si Daniel ng kakayahang umunawa at magpaliwanag ng lahat ng uri ng pangitain at panaginip.
18 Pagkaraan ng tatlong taon na itinakda ng hari sa pagsasanay sa kanila, ang lahat ng kabataang pinili ni Aspenaz ay iniharap niya kay Haring Nebucadnezar.
19 Kinausap sila ng hari at nakita niyang walang kapantay sina Daniel, Hananias, Misael at Azarias. Kaya't naging lingkod sila ng hari.
20 Nakita ng hari na sa lahat ng bagay na itanong sa kanila, sampung ulit na mas mahusay at magaling sila kaysa mga salamangkero at mga enkantador ng kaharian.
21 Naglingkod si Daniel doon hanggang sa unang taon ng paghahari ni Ciro.