27 Ang dalawang hari na kapwa may masamang balak ay magkasalong kakain at magsasalita ng kasinungalingan sa isa't isa. Gayunman, walang mangyayari sa iniisip nila sapagkat hindi pa dumarating ang takdang panahon.
28 Ang hari ng Siria ay uuwing taglay ang malaking kayamanang nasamsam niya. Ngunit bago siya umuwi sa sariling kuta, uusigin muna niya ang relihiyon ng bayan ng Diyos.
29 “Pagdating ng takdang araw, sasalakayin niyang muli ang Egipto, ngunit sa pagkakataong iyon, ang mangyayari'y hindi tulad noong una.
30 Hahadlangan siya ng hukbong-dagat ng Kitim at matatakot siya. Dahil dito, aatras siya at ibubuhos sa relihiyon ng bayan ng Diyos ang kanyang poot. Sa pagbabalik niyang ito, pahahalagahan niya ang payo ng mga tumalikod sa presensya ng Diyos.
31 Magpapadala siya ng mga hukbong sandatahan upang lapastanganin ang Templo. Ipapatigil niya ang araw-araw na paghahandog at ipapalit ang kasuklam-suklam na kalapastanganan.
32 Aakitin niya sa pamamagitan ng panlilinlang ang mga Judiong tumalikod sa kasunduan, ngunit maninindigan ang mga nananatiling tapat sa kanilang Diyos.
33 Tuturuan ng marurunong sa lupain ang mga tao kahit na sa simula ay mamamatay ang iba sa kanila sa pamamagitan ng espada at apoy o mabihag at pagnakawan.