17 Sinabi ni Daniel sa hari, “Mahal na hari, huwag na po ninyo akong bigyan ng anuman; ibigay na lang po ninyo sa iba ang sinasabi ninyong gantimpala. Babasahin ko na lamang po at ipapaliwanag ang nakasulat.
18 “Mahal na hari, ang inyong amang si Nebucadnezar ay binigyan ng Kataas-taasang Diyos ng isang kaharian. Niloob ng Diyos na siya'y maging makapangyarihan at binigyan siya ng karangalan.
19 Dahil sa kapangyarihang iyon, lahat ng tao sa bawat bansa at wika ay nanginig at natakot sa harapan niya. Ipinapapatay niya ang gusto niyang ipapatay at inililigtas niya sa kamatayan ang nais niyang iligtas. Itinataas niya sa tungkulin ang gusto niyang itaas at ibinababâ naman ang gusto niyang ibaba.
20 Ngunit nang siya'y naging palalo, matigas ang ulo at pangahas, inalis siya sa pagiging hari at nawala ang kanyang karangalan.
21 Inihiwalay siya sa lipunan at nanirahang kasama ng maiilap na asno. Ang isip niya'y pinalitan ng isip ng hayop. Kumain siya ng damo, tulad ng mga baka. Sa labas siya natutulog at doo'y nababasa ng hamog. Ganyan ang kanyang kalagayan hanggang sa kilalanin niya na ang Kataas-taasang Diyos ang namamahala sa kaharian ng mga tao, at inilalagay niya sa trono ang sinumang nais niya.
22 “At bagaman alam ninyo ito, Haring Belsazar, hindi kayo nagpakumbabá.
23 Sa halip, nagmataas kayo sa harapan ng Panginoon ng kalangitan. Ipinakuha ninyo ang mga sisidlang mula sa kanyang Templo at ininuman ninyo at ng inyong mga tagapamahala, mga asawa at asawang lingkod. Bukod doon, sumamba kayo sa mga diyos ninyong yari sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy at bato, mga diyos na hindi nakakakita, hindi nakakarinig ni nakakaunawa man. At ang Diyos na nagbibigay at nagtatakda ng inyong buhay ay hindi ninyo pinarangalan.