10 Nang malaman ni Daniel na nilagdaan na ng hari ang gayong kautusan, umuwi siya. Lumuhod siya't nanalangin at nagpasalamat sa kanyang Diyos sa isang silid sa itaas ng kanyang tirahan sa may bukás na bintanang nakaharap sa Jerusalem. Tatlong beses niyang ginagawa ito sa maghapon gaya ng kanyang kinaugalian.
11 Ngunit binabantayan pala siya ng kanyang mga kaaway. Nang makita siyang nananalangin,
12 siya'y kanilang isinumbong sa hari at sinabing, “Hindi po ba't pinagtibay ninyo ang isang kautusan na sa loob ng tatlumpung araw ay walang mananalangin sa sinumang diyos o tao liban sa inyo at ihahagis sa kulungan ng mga leon ang sinumang lumabag dito?”Sumagot ang hari, “Ang kautusan ng Media at Persia ay hindi mababago ni mapapawalang bisa.”
13 Sinabi nila, “Mahal na hari, si Daniel po na isa sa mga dinalang-bihag mula sa Juda ay lumabag sa inyong kautusan at tatlong beses pa po kung manalangin araw-araw.”
14 Nang malaman ito ni Haring Dario, nabalisa siya at maghapong inisip kung paano maililigtas si Daniel.
15 Nang magkaroon muli ng pagkakataon ang mga kaaway ni Daniel, lumapit ang mga ito sa hari at sinabi, “Alalahanin ninyo, mahal na hari, na batas sa Media at Persia na hindi maaaring baguhin ang alinmang kautusan na pinagtibay ng hari.”
16 Dahil dito, iniutos ni Haring Dario na ihulog si Daniel sa kulungan ng mga leon. Ngunit sinabi niya rito, “Nawa'y iligtas ka ng Diyos na buong katapatan mong pinaglilingkuran.”