18 Ang hari naman ay umuwi sa palasyo. Ngunit magdamag itong hindi makatulog. Hindi siya tumikim ng pagkain at ayaw rin niyang paaliw.
19 Kinabukasan, maagang nagbangon ang hari at nagmamadaling pumunta sa kulungan ng mga leon.
20 Pagdating doon, malungkot siyang tumawag, “Daniel, tapat na lingkod ng Diyos na buháy! Iniligtas ka ba niya sa mga leon?”
21 Sumagot si Daniel, “Mabuhay ang hari!
22 Wala pong nangyari sa akin sapagkat ang bibig ng mga leon ay pinatikom ng mga anghel na isinugo ng aking Diyos. Ginawa po niya ito sapagkat alam niyang wala akong kasalanan ni nagawang masama laban sa inyo.”
23 Dahil dito, labis na nagalak ang hari at iniutos na iahon si Daniel mula sa kulungan ng mga leon. Nang siya'y maiahon na, wala silang nakita kahit man lang bahagyang galos sa katawan ni Daniel sapagkat nagtiwala siya sa kanyang Diyos.
24 Ang mga nagbintang kay Daniel ay ipinahulog ng hari sa kulungan ng mga leon pati ang kanilang mga anak at asawa. Hindi pa sila halos sumasayad sa kulungan ay nilapa na sila ng mga leon.